Pulong-pulong Pangkabuhayan ni Ka Gerry Geronimo

Ni: Cristy V. Balitostos 

gerry-geronimo-pangkabuhayanMatagumpay na idinaos ang Pulong-Pulong Pangkabuhayan ni Ka Gerry Geronimo sa Bayan ng Calaca noong ika 22 ng Mayo 2013 na dinaluhan ng 248 Calaqueño na nag-aalaga at nagnanais pang mag-alaga ng baboy at mga piling FeedPro dealers (isang kumpanya ng pakain sa baboy) ng kanlurang Batangas (Nasugbu, Balayan, San Luis, at Cuenca).

Taglay sa pulong-pulong ang pagtalakay sa wastong pag-aalaga ng baboy na maituturing na isang uri ng pangkabuhayan ng mga magsasaka. Dahil alam nating ang masangsang na amoy ng dumi ng baboy ay isa sa nagiging suliranin, naging pangunahing paksa ay ang pagbabahagi ni Ka Gerry Geronimo ng mga pamamaraan ng Natural Hog Raising “Babuyang Walang Amoy”.  Bilang patunay sa mga ibinahaging teknolohiya partikular sa wastong sistema ng pabahay kung paano mapapanatili ang babuyang walang amoy tinalakay at ipinakita ni Ka Gerry ang mga ehemplo ng sumubok na sa ganitong pamamaraan.

Sa bahaging pangkalusugan at nutrisyon ng alagang baboy tinalakay naman ni Dr. Jun Cahusay, (Technical and Marketing Officer ng FeedPro) ang iba’t ibang sakit, paggamot at pag-iwas dito. Nagkaroon ng palitan ng kaalaman, kuro-kuro at karanasan pati na rin ang katipirang maidudulot ng makabago at natural na pag-aalaga ng baboy. Dahil sa mga teknolohiyang ibinahagi, naging interesado ang mga mamayang Calaqueño partikular ang mga nasa mabahay na lugar na mag-alaga ng baboy.

Ang gawaing ito ay hatid ng programang “Ating Alamin” ni Ka Gerry Jeronimo at FeedPro sa pangunguna ni Jake Froilan Hicap at sa pikikipagtulungan ng Municipal Agriculture Office at ng mga LGUs ng West Batangas.

Last Updated (Wednesday, 12 June 2013 21:32)