UNITY WALK AT PEACE COVENANT SA BAYAN NG CALACA: Tanda ng Isang Mapayapang Halalan sa Mayo 2013

unity-walk-peace-covenant_01192013Para sa isang mapayapang halalan sa Mayo 2013 sa Bayan ng Calaca, nagdaos ng isang Peace Covenant noong ika-19 ng Enero, 2013 na ini-organisa ng PNP sa pamumuno ng bagong Hepe ng kapulisan na si PCI Ramil C. Agbunag.

Bilang panimula, nagkaroon ng unity walk ang mga kakandidato sa lokal na posisyon (Mayor, Vice Mayor at SB Member) kasama ang mga miyembro ng PNP at AFP, gayundin ang COMELEC, DILG at mga kinatawan ng ilang samahang sibiko mula sa bulwagan ng pamahalaang bayan patungo sa St. Raphael Archangel Parish Church kung saan nagdaos ng misa kaugnay ng aktibidad.

Nabanggit ni Fr. Romy Mendoza na isang napakagandang pagkakataon na ang isinagawang Peace Covenant ay kasabay ng pagdiriwang ng Pandaigdig na Araw ng Kapayapaan ng Mahal na Birhen. Dagdag pa niya ang 100% partisipasyon ng mga kandidato ay nagpapakita na magkakaiba man ng partido, nagkakaisa sila sa diwa ng pananampalataya at sa diwa ng hinahangad ng Panginoon na kapayapaan. At kung mayroon mang pagtutunggali, mayroong paggagalangan sa isa’t isa.

Sa isinagawang Peace Covenant pagkatapos ng misa, sabay-sabay na sumumpa ang mga kakandidato na sila ay nakikiisa sa pagdaraos ng mapayapang halalan. Lumagda din sila sa isang kasunduan na nagpapahayag ng mga sumpang kanilang binigkas.