Get Adobe Flash player
Saturday, 25th of May 2019
Home INFORMATION News CALACAtchara FESTIVAL 8

CALACAtchara FESTIVAL 8

calacatchara8_caracol-de-san-raphaelMuling ipinagdiwang ang CALACAtchara Festival 8 noong ika-15 hanggang ika-24 ng Oktubre na pinasimulan sa pamamagitan ng Caracol De San Rafael kung prusisyon mula sa simbahan ng Calaca habang nagdarasal at sumasayaw sa saliw ng masisiglang tugtugin patungo sa Barangay Camastilisan. Dito idinaos ang isang banal na misa kasunod ang prusisyon ng imahe ni San Rafael Arkanghel sa may baybay dagat na nasasakupan ng Bayan ng Calaca.

Kinagabihan, kamangha-mangha ang dagsa ng mga tao sa New Activity Area sa tabi ng bagong munisipyo upang manood ng Calaca Academy Night. Pinangunahan ni Gng. Mary Grace Tenorio ang palatuntunan kasunod ang madamdaming mensahe ng direktor ng paaralan, Gng. Marilou Ilagan Ramos at ang pagbibigay inspirasyon ng Ama ng Bayan, Mayor Sofronio C. Ona, Jr. ganun din ang Chairman ng Komite de Pestejos.

calacatchara8_calaca-academyOktubre 16, nagsama-sama ang lahat ng mga bata sa iba’t ibang Day Care Centers sa bayan ng Calaca upang ipagdiwang ang Universal Children’s Month na may temang “Bright Child ay Siguraduhin, Wastong Pamamahayag ay Palaganapin”. Isang parada ang nilahukan ng may 1,100 day care children, mga magulang, guro ng Day Care Centers, opisyales ng barangay at mga tauhan ng PNP tampok ang 42 mutya mula sa mga Day Care Centers na kumatawan sa iba’t ibang bansa. Naging sentro ng selebrasyon ang kaarawan ni Frances Faye Ona ang nag-iisang anak ng Ama ng Bayan. Lubha silang naging masaya sa pagdating ng sorpresang mascot mula sa Jollibee ganon din ang Acrobatic Show na idinaos sa Multi-Purpose Gymnasium.

Hindi nagpahuli ang mga Senior Citizens sa larangan ng pagdiriwang ng kanilang Senior Citizens’ Night kung saan naghandog ng mga awitin ang mga piling senior citizens. Tatlong pinakamatatandang mamamayan mula sa Calaca ang pinarangalan, kabilang sina Bb. Maria De Ocampo mula sa Barangay Bisaya, Gng. Arsenia Dimailig ng Sinisian at Gng. Vicenta Balasbas ng Barangay Tamayo. Isinagawa din ang paggawad ng Huwarang Pamilyang Calaqueño Award sa pamilya nina G. at Gng. Mario Malabanan, G. at Gng,Ricardo Castillo at G. at Gng.Reynaldo De Los Reyes.  Kasunod din ang parangal sa Natatanging Calaqueño na si Police Director Lina C. Sarmiento at ilang kabataan mula dito sa bayan ng Calaca na kinabibilangan nina Nickson Cuyom, Melvin Baldrias, Eddie Ayson, John Arvin Gomez. Nagbigay inspirasyon si Direktor Lina Sarmiento sa lahat na hindi sagabal ang kahirapan sa pag-abot ng pangarap sa buhay na tunay niyang karanasan. Nagpamalas din ng isang sayaw na Rigodon de Honor ang mga department heads at piling kawani ng lokal na pamahalaan ng bayan kasama ang mga punong guro ng mga paaralan sa buong Calaca.

calacatchara8_universal-childrens-day calacatchara8_senior-citizens-night calacatchara8_dir-lina-sarmiento

Isang Modern Dance Competition ang ginanap noong gabi ng Oktubre 17 na nilahukan ng 12 grupong mananayaw mula sa iba’t ibang lugar sa Batangas, Cavite, Laguna at Maynila kung saan tinanghal na kampeon ang King of High Streets (Freestylers) ng Tanauan, Batangas.

Oktubre 18, dumating ang Unang Hirit ng GMA Channel 7 upang itampok ang isang Cook Fest kasama ang ilang nagagandahang kandidata ng Bb. Calaca, mga batang kasali sa streetdancing lalong higit ang ipinagmamalaking Atchara ng Bayan ng Calaca.

Isinagawa ang isang Ribbon Cutting Ceremony para sa pagbubukas ng Photo Exhibit at Body Painting Contest sa pangunguna ni Mayor Sofronio C. Ona, Jr., DTI Representative, Nikki Briones, Chairman ng Komite De Festejos, Sofronio Manuel “Boogle” C. Ona, ilang konsehal ng bayan at mga madre mula sa simbahan kasunod ng pagbabasbas ng mga booth at exhibits. Ipinakita rin ang iba-ibang kasuotan na gagamitin ng mga mag-aaral sa gaganaping Street at Court Dancing Competion Oktubre 21. Nakakatuwang malasin ang bawat angulo ng mga larawan sa Photo Exhibit nina Elmer Castor, Harry Alpajora, Jeff Vizconde, Edmer Pacheco, Eric Mendoza, Henry Pilac, Raffy Hernandez, Joey Rivera, Jenny Cabello at Lyndon Montes.

calacatchara8_modern-dance-showdown calacatchara8_opening-ceremony calacatchara8_street-dancing

Walong kalahok mula sa samahan ng Calaqueño sa Sining at Galing (CALASAG) ang masiglang nagpakita ng husay ng mga kamay na may malikhaing isipan sa Body Painting Contest na may temang “Tradisyon at Transpormasyon sa Bagong Henerasyon”. Inabot ng halos apat na oras ang naturang patimpalak na buong tiyagang inantabayanan ng maraming tao. Isang napakagandang obra ang nagawa ni Arnel Dueñas mula sa Puting Bato East sa pamamagitan ng katawan ni Marco Herrera na nag-uwi ng halagang walong libong piso. Nakuha naman ni Jessie Catambay ng Barangay Salong kasama ni Jason Manaog ang ikalawang karangalan at ni Dannie Mendoza ng Barangay Madalunot ang ikatlong puwesto.

Itinanghal din ang salimbayang tugtog sa Drum and Lyre Exhibition na nilahukan ng siyam (09) na paaralan sa mula sa elementarya at sekondarya ng bayan ng Calaca. Ipinakita nila ang galing sa pagtugtog sa iba’t ibang instrumento habang sabay-sabay na galaw at pagmamartsa ng bawat bata.

Dinagsa ng maraming tao ang ABC Night: Face the Music kung saan nilahukan ng labing dalawang kalahok ang naglaban-laban mula sa iba’t ibang barangay ng Calaca.

calacatchara8_body-painting calacatchara8_drum-and-lyre calacatchara8_san-miguel-oktoberfest

Isang Pabingo ang inihandog ng Globe at Touch Mobile sa Multi-Purpose Gymnasium noong Oktubre 19 na namahagi ng mga appliances, cellphones, Tattoo sticks at cash prizes. Magdamag naman ang saya at inuman sa Oktoberfest na inihandog ng San Miguel Corporation kasama ang Circle Peace Band at Bersikolo Bente Band.

Labing siyam (19) na naggagandahang sasakyan ang nagparehistro para sa Car Show at labing pito (17) naman ang sa Motor Show. Ipinamalas ang iba-ibang kayarian ng mga ito na nag-uwi ng kanya-kanyang gantimpala sa bawat kategorya.

Oktubre 20, ang pinakahihintay na gabi para sa Bb. Calaca kung saan labing walong (18) naggagandahang kandidata ang buong gilas na nagpakita ng angking talino at ganda. Si Bb. Febe Louridhee D. Ilagan ng Poblacion 1 ang itinanghal na Bb. Calaca 2012, sinundan ni Bb. Vivian A. Aquino ng Poblacion 3 bilang 1st runner up, Bb. Camille V. Castillo ng Poblacion 4 bilang 2nd runner up, Bb. Ma. Fatima P. Tumbaga ng Bagong Tubig ang 3rd runner up at Bb. Rosie M. Dela Cruz ng Lumbang na Matanda ang naging 4th runner up.

calacatchara8_binibining-calaca_01 calacatchara8_binibining-calaca_02 calacatchara8_binibining-calaca_03

Hindi mahulugang karayom ang dami ng mga tao sa bayan ng Calaca sa panonood ng Street at Court Dancing Competition ng dalawampu’t limang (25) paaralan mula sa elementarya at lima (5) mula sa sekondarya. Ang PA Paterno Elementary School ang naging kampeon sa Court Dancing, sunod ang Dacanlao Gregorio Agoncillo Elementary School. Nakuha naman ng Calantas Elementary School ang Best in Costume at Best in Street Dancing na pinangalawahan ng Caluangan Elementary School. Sa mataas na paaralan, ang Dacanlao Gregorio Agoncillo National Highschool ang tinanghal na Best in Costume at Best in Court Dancing at Street Dancing na pinangalawahan ng Batangas Provincial Science Highschool.

Oktubre 22, opisyal na binuksan ang ika-9 na National Rover Moot ng Boy Scouts of the Philippines sa Brgy. Lumbang Calzada na dinaluhan ng mahigit ng dalawang libong delegado mula sa buong Pilipinas. Isandaan at labing limang grupo ng scouters ang maluwalhating nakarating dito sa bayan ng Calaca upang ipagdiwang ang malawakang pagsasama-sama.

Patuloy ang pagsuporta ng B-MEG Feeds sa paghahandog ng Pabingo, Variety Show na may acrobats, magicians, dancers at iba pang panauhin katulad ni Bb. Stef Prescott, castaway ng Survivor Philippines ng GMA 7.

Maluwalhating ginanap ang Misa Konselebrada sa umaga ng kapistahan ni San Rafael Arkanghel sa pangunguna nina Rev. Ramon C. Arguelles, Rev. Salvador Q. Quizon at Rev. Ruben T. Profugo. Sa kabila ng pag-ulan sa bandang hapon, ipinagpatuloy din ang prosisyon na kinabilangan ng 99 na anghel mula sa iba’t ibang barangay ng Calaca at ang “Luwa” ng walong (8) mga bata bilang parangal sa Mahal na Patron. Hindi napigil ng patak ng ulan ang iba-ibang kulay ng ilaw na pumailanlang sa kalangitan sa fireworks na sinindihan sa New Activity Site sa tabi ng bagong munisipyo.

Sa huling gabi ay isang grand concert ang inihandog ni Mayor Sofronio C. Ona, Jr., para sa lahat kung saan hindi magkamayaw ang mga sigawan at palakpakan ng mga tao habang kumakanta ang banda ng Ynstynk, Circa at Imago.

Last Updated (Monday, 21 January 2013 10:16)