Get Adobe Flash player
Saturday, 25th of May 2019
Home INFORMATION News 27,000 Puno Kaloob sa TRIONA Program

27,000 Puno Kaloob sa TRIONA Program

triona-27k-treesSa pagsisimula ng taon ang Tanggapan ng Pambayang Agrikultor sa pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Sofronio Manuel C. Ona ay muling ibinaba ang TRIONA Tree Planting Program sa mga mamamayang Calaqueño ng 11 mga barangay noong ika-16-18 ng Enero, 2019.

Sa layon na mabigyan ng sapat at masustansyang pagkain sa pamamagitan ng pagtatanim ay may 2,813 sambahayan mula sa barangay Taklang Anak, Cahil (Sitio Matala - Baloc-Baloc, Sitio Ibaba), Pantay, Tamayo, Bisaya, Timbain, Lumbang Calzada, Salong, Poblacion 1 at Camastilisan ang nabiyayaan ng siyam na mga namumungang puno na may kabuuang bilang na 25, 317 sa ilalim ng nasabing programa. Bawat isang may-bahay ay tumanggap ng tig-tatlong puno ng guyabano, langka, at chico.

Bago pa man maipamahagi ang mga puno ay nag-iwan ng tagubilin si Konsehal Orlando Noche, namumuno ng Komite sa Agrikultura, sa bawat isang makakatanggap na bigyang pansin ang kapaligirang nasasakupan sa pagtatanim ng mga puno. Kabilang sa mga ito ay ang pagtatanim sa mga lugar na malapit sa kinatitirikan ng mga poste at kable ng kuryente na maaring maging sanhi ng suliranin sa pagdating ng araw na lumaki na ang mga punong naitanim. Kaugnay rin nito ay ang pagtatanim sa tabi ng daan na makakaapekto sa maaring maging proyekto sa hinaharap ng pamahalaan na may kinalaman sa road widening. Ibinahagi rin ni Kon. Noche ang tamang pamamaraan ng pagtatanim ng mga punong ito.

Samantala, ang programa ay ibinaba naman sa barangay Dacanlao kaalinsabay ng Nasa Nayon Ang Serbisyo Barangayan Program noong ika-7 ng Pebrero kung saan 187 sambahayan ang tumanggap ng parehong bilang bawat may-bahay (may kabuuang bilang na 1,683) at klase ng mga namumungang puno. Umaasa ang tanggapan na sa pamamagitan ng mga programa katulad ng TRIONA ay mabigyang sigla at importansya ang pagtatanim, hindi lamang ang mga magsasakang sanay na sa larangan ng agrikultura, kundi lahat ng mga mamamayan ng bayan ng Calaca. /Engr. John Edward M. Pacis (Agri Office)

Last Updated (Saturday, 16 February 2019 10:19)