Get Adobe Flash player
Sunday, 25th of August 2019
Home INFORMATION News 10 Magsasaka Nagtapos sa Radyo Eskwela

10 Magsasaka Nagtapos sa Radyo Eskwela

radyo-eskwela10 magsasaka mula sa bayan ng Calaca ang maluwalhating nagtapos sa ginanap na Graduation Ceremony para sa Radyo Eskwela na handog ng Department of Agriculture Regional Field Unit No. IV (CALABARZON) sa Southern Tagalog Integrated Agricultural Research Center (STIARC) Training Hall, Maraouy, Lipa City, Batangas noong ika-9 ng Enero, 2019.

Matatandaan na noong nakarang taon ay ilan sa ating mga magsasaka ang nagtapos sa School on the Air Programa sa Radyo ng ATI-ITCPH na nakatuon sa mga usaping may kinalaman sa paghahayupan. Sa pagkakataon ito, ang programang Radyo Eskwela naman ang tumugon sa mga talakayang pangsakahan sa buong rehiyon ng CALABARZON kung saan nakasama ang bayan ng Calaca sa 22 mga kalahok na munisipalidad mula sa lalawigan ng Batangas.

Sa temang “Pinakbet Vegetable Production sa Batangas: Gawing Bet na Bet sa Market ang Pinakbet”, ang Radyo Eskwela ay tumagal sa loob ng tatlong buwan mula Setyembre hanggang Nobyembre at tumalakay sa pagtatanim ng mga gulay na karaniwang ginagamit sa pagluluto ng Pinakbet. Ang mga paksang binigyang diin ay ang mga sumusunod na aralin: 1) High Value Crop Situation and Outlook Report; 2) Planting Pinakbet Vegetables; 3) Insect Pests and Diseases of Pinakbet Vegetables and Their Management; 4) Fertilizer Recommendation for Pinakbet Vegetables; 5) Harvesting Pinakbet Vegetables; at 6) Marketing Pinakbet Vegetables.

Ang mga magsasakang kalahok bilang mag-aaral na tagapakinig at nagsitapos ay nagmula naman sa barangay Munting Coral, Dila, Taklang Anak, Matipok, Lumbang na Matanda, Makina, Cahil, at Balimbing. Mula sa kanila ay itinampok na pinakamahusay na mag-aaral ng bayan ng Calaca si Gng. Edilberta P. Vidal ng barangay Cahil na siya namang tumanggap ng parangal at sertipiko ng pagkilala.

Ang programa ay napakinggan sa una at ikatlong linggo ng buwan sa dalawang istasyon sa radyo, ang Radyo Natin 106.3 FM tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes sa ganap na ika-8:30 hanggang 9:15 ng umaga at ang KISS FM 95.1 tuwing Martes, Huwebes at Sabado sa ganap na ika-12:00 hanggang 12:45 ng hapon. /Engr. John Edward M. Pacis (Agri Office)