Get Adobe Flash player
Wednesday, 20th of February 2019
Home INFORMATION News 67 Magsasaka Nagtapos sa SOA

67 Magsasaka Nagtapos sa SOA

farmers-soaMay kabuuang 67 mga Magsasaka mula sa bayan ng Calaca ang nagsipagtapos sa ginanap na Graduation Ceremony ng magkasunod na School on the Air (SOA), Programa sa Radyo ng Agricultural Training Institute – International Training Center for Pig Husbandry (ATI-ITCPH) sa Marawoy, Lipa City noong ika-6 ng Hulyo at ika-6 ng Disyembre, 2018.

Ang SOA ay isa sa mga programa ng ATI-ITCPH kung saan ang tanggapan ay nagbibigay ng libreng pagtuturo sa mga nag-aalaga ng hayop, partikular na ang baboy, sa pamamagitan ng pakikinig sa radyo. Katuwang ang DWAL 95.9 Radyo Totoo sa Batangas ay tinalakay ng mga piling resource speakers mula rin sa tanggapan ang iba’t ibang paksang naaayon sa tema ng pag-aaral.

Kamakailan nga ay isa ang bayan ng Calaca sa 19 munisipalidad na lumahok sa SOA na iniere sa radyo mula ika-4 ng Oktubre hanggang ika-4 ng Nobyembre. 39 na mga magsasaka mula sa barangay Balimbing, Dila, Coral ni Bacal, Coral ni Lopez, Caluangan, Baclas, Cahil, Bisaya, Bambang, Makina, Puting Bato East, Matipok, Niyugan, Lumbang na Bata, Puting Kahoy, Munting Coral, Madalunot, at Taklang Anak ang nagtapos mula sa programang ito.

Sa temang “Sapat at Ligtas na Pagkain sa Radyo Tatalakayin” ay tinalakay ang kahalagahan ng ligtas na pagkain at kung paano ito mapapanatili sa pamamagitan ng mga wastong gawi sa paghahayupan. Sa pangunguna ni Dr. Ruth S. Midat-Sonaco ng ATI-ITCPH ay ibinahagi sa mga tagapakining ang mga sumusunod na paksa: 1) Introduction to Food Safety, Food Safety Laws and Regulations; 2) Food Safety Hazards; 3) Epidemiology and Surveillance of Food borne Diseases; at 4) Good Animal Husbandry Practices (GAHP) to Food Safety.

28 na mga magsasaka naman mula sa barangay Caluangan, Cahil, Niyugan, Balimbing, Baclas, Dila, Lumbang na Bata, Coral ni Bacal, Bisaya, Madalunot, Tamayo, Taklang Anak, Puting Kahoy, Lumbang na Matanda, at Bambang ang nagtapos sa unang SOA ng taon na pinamagatang “Radyo Isklima: Adaptasyon, Statehiya, at Teknolohiya sa Paghahayupan” na inere mula ika-26 ng Mayo hanggang ika-23 ng Hunyo na nilahukan ng 13 munisipalidad.

Tinalakay dito ang epekto ng Climate Change sa mga alagang hayop at iba’t-ibang adaptasyon, stratehiya at teknolohiya na maaaring gawin at gamitin laban dito. Ang mga paksang tinalakay ay kinabibilangan ng mga sumusunod: 1) Genetics; 2) Health and Nutrition: Agrosecurity; 3) Housing; 4) Waste Management; at 5) Proper Transport of Livestock. Ang mga ito ay nakatuon sa mga climate-smart interventions at stratehiya upang labanan ang Climate Change.

Kaugnay ng serye ng SOA na ito ay nakiisa rin ang Tanggapan ng Pambayang Agrikultor kasama ang anim na mag-aaral at tatlong tagasanay mula sa Calaca Senior High School sa “KLIMArathon: School Caravan on Climate Change” noong ika-30 ng Oktubre. Dito ay sumalang ang mga mag-aaral sa iba’t-ibang paligsahan tulad ng Quiz Bee, Mural Painting at Photo Contest. Sa pagtatapos ng nasabing programa ay nagkamit ng unang gantimpala ang mga representante para sa “Kulaye: Mural Painting on Climate Change” na sina Daryl C. Alcaraz at Christian Rey M. Tabamo sa patnubay ni Dr. Franklin Galoyo.

Mula sa dalawang magkasunod na serye ng SOA ay umusbong naman na pinakamagaling o Top 1 ng kani-kanilang pangkat sina G. Arthur Avena ng Coral ni Bacal at G. Efren Casama ng Lumbang na Bata sa lahat ng kalahok mula sa bayan ng Calaca. Kapwa sila tumanggap ng medalya at sertipiko ng pagkilala.

Sa pagtatapos ng taon ay inaasahang na sa susunod na taon ay magkakaroong muli ng mga ganitong oportunidad para sa mga magsasakang Calaqueño na makakatulong sa sektor ng agrikultura partikular na ang paghahayupan. /Engr. John Edward M. Pacis (Agri Office)