Get Adobe Flash player
Friday, 06th of December 2019
Home INFORMATION News GAP Training Handog sa mga Magsasaka

GAP Training Handog sa mga Magsasaka

farmers-gap-trainingUpang mas mapaunlad ang pagtatanim ng kamatis sa bayan ng Calaca ay nagkaroon ng tatlong araw na pagsasanay patungkol sa “Good Agricultural Practices” o GAP for Vegetables ang Tanggapan ng Pambayang Agrikultor katuwang ang Agricultural Training Institute (ATI) Region IV-A noong ika-3-5 ng Oktubre 2018.

Ang nasabing pagsasanay ay nilahukan ng 35 mga magsasaka na pawang nagtatanim ng kamatis mula sa iba’t-ibang barangay: Cahil, Balimbing, Taklang Anak, Lumbang na Bata, Makina, Dila, Madalunot, Munting Coral, at Matipok. Layon nito na matulungan ang mga magsasaka na gawing mas ligtas ang bunga at pananim para sa mga producer at consumer at magkaroon sila ng kaalaman sa kahalagahan ng pagkakaroon ng GAP Certification nang mas tangkilikin pa ang kanilang mga produkto sa merkado.

Sa unang araw ng pagsasanay ay ibinahagi ni Bb. Vira Elyssa Jamolin, Training Specialist mula sa ATI, ang iba’t ibang uri ng panganib mula sa kontaminasyon sa mga pananim, prutas man ito o gulay. Itinuro rin kung ano nga ba ang kahulugan ng GAP at kung paano ito makakatulong sa mga kalahok na magsasaka. Bukod sa mga pangunahing impormasyon na kinakailangang malaman ay ibinahagi rin ng ATI ang mga teknikal na kaalaman kagaya ng mga materyales sa pagtatanim, soil conservation, mga uri ng pataba, tamang pag-ani at paghawak ng mga produkto, storage, Personal Hygiene at Farm Sanitation, at ang tamang pangangasiwa ng dumi sa bukid.

Nagkaroon naman ng workshop sa pangalawang araw tungkol sa pangangasiwa ng mga pestisidyo at proteksyon ng mga pananim. Ipinagpatuloy din dito ang talakayan mula sa Kalusugan, Kaligtasan at Kapakanan ng mga magsasaka hanggang sa Farm Risk Assessment at Quality Plans ng mga kalahok. Bago matapos ang programa sa araw na iyon ay nagsagawa ng Farm Visit at Practicum ang mga kalahok kaagapay ang mga kawani ng Tanggapan sa Barangay Balimbing.

Sa huling araw ay ipinaliwanag ang mga alituntuning dapat sundin sa pagkuha ng GAP Certification at mga protocol sa pag-iinspeksyon ng lugar at mga kasanayang ginagawa sa kanilang mga bukirin. Sa pagtatapos ng programa ay binigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na ipresenta ang kani-kanilang action plan at preperasyong gagawin na may kaugnayan sa GAP.

Inaasahan na sa tulong ng pagsasanay na ito ay mas mapagbuti at mapaunlad ang pagtatanim ng kamatis sa bayan ng Calaca na itinuturing na Tomato Capital ng lalawigan ng Batangas. /Engr. John Edward M. Pacis (Agri Office)