Get Adobe Flash player
Tuesday, 20th of November 2018
Home INFORMATION News 7 Calaca Farmers Association, Nabiyayaan

7 Calaca Farmers Association, Nabiyayaan

shredder-distributionAlinsunod sa programa ng Kagawaran ng Agrikultura patungkol sa organikong pagsasaka, pitong Farmers Association ang muling nabiyayaan ng mga kagamitang pang-agrikultura mula sa lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Sofronio Manuel “Boogle” C. Ona at ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor noong ika-14 ng Hunyo, 2018.

Upang ipagpatuloy ang naunang proyekto ng Tanggapan, kung saan nagkaloob ito ng libreng bahay-bulatehan o Vermicomposting Facilities ay namahagi ito ng tig-isang yunit ng Multi-Purpose Shredder at 25 kilo ng bulateng  African Night Crawlers (ANC) sa bawat Farmers Association na kasama sa nasabing interbensyon. Kabilang dito ang mga Farmers Association tulad ng Coral ni Lopez, Madalunot , Matipok , Lumbang na Matanda , Cahil, Loma, at ang Munting Coral.

Sa pamamagitan ng mga ito ay makakagawa ng vermicompost o organikong pataba na nagmula sa binulok na halaman at dumi ng hayop sa tulong ng ANC. Makakatulong ito hindi lamang sa pagpapayaman ng lupang sakahan at pananim, kundi sa kabuhayan ng mga kasapi ng organisasyon sapagkat maaari itong ipagbili sa merkado at mga indibidwal na konsumer.

Bago pa man mamahagi ang tanggapan ay ipinabatid na sa mga magsasaka ang tamang paraan ng pag-aalaga ng mga bulateng gagamitin, paghahanda ng mga bin at substrate na paglalagakan ng mga ito, pag-ani ng vermicompost, at ang pagpapanatili ng pasilidad upang masigurado ang patuloy ng paggawa ng pataba at pagpaparami ng mga bulate.

Bukod sa mga nabanggit na interbensyon ay nagbibigay din ng teknikal na tulong ang mga kawani ng Tanggapan sa pangunguna ng Pambayang Agrikultor na si Gng. Alicia A. Cabrera.

Hinihikayat din ng Tanggapan ang pag-oorganisa ng samahan ng mga magsasakang Calacaqueño nang sa gayon ay mas marami pa ang mabiyayaan ng mga ganitong klaseng proyekto mula sa pamahalaan na nagsusulong sa sektor ng agrikultura, kalikasan, kalusugan, at kabuhayan ng mga mamamayang Calacaqueño. /Engr. John Edward M. Pacis (MAO Staff)