Get Adobe Flash player
Sunday, 23rd of September 2018
Home INFORMATION News TRIO para sa mga Calaqueño

TRIO para sa mga Calaqueño

trio-ube-cacao 01Sa kabila ng umuusbong na industriyalisasyon, Agrikultura pa rin ang itinuturing na pangunahing pinanggagalingan ng kabuhayan ng nakararaming mamamayang Calaqueño. Kung kaya bilang suporta sa pagpapa-unlad ng sektor na ito ay muling inilunsad noong ika-25 ng Mayo, 2018 ang programang “Tilaok ng Kabuhayan at Pag-asa” ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor sa pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan. Kasabay nito ay nagkaloob din ng mga punlang Cacao at pananim na ube ang parehong Tanggapan.

trio-ube-cacao 02Mula sa pangalang "Tilaok ng Kabuhayan at Pag-asa" ay masasabing ang programang ito ay laan para sa mga Calaqueñong kumukuha ng pagkakakitaan mula sa kanilang mga alagang manok. Layunin nitong bigyang panimula ang ating mga magsasaka sa tulong ng tatlong manok, isang tandang at dalawang inahin, na kung tawagin ay Trio sa ilalim ng nabanggit na programa.

trio-ube-cacao 03Sa pakikipag-ugnayan ng Tanggapan sa pamunuan ng bawat barangay ay tinatayang nasa 85 Trio o nasa 255 na manok ang ipinamahagi sa mga magsasaka mula sa mga sumusunod na barangay: Tamayo, Caluangan, Timbain, Balimbing, Coral ni Lopez, Munting Coral, Bambang, Puting Kahoy, Lumbang Calzada, at Pantay.

Kasabay ng programa ay nagkaloob din ng mahigit sa 8,640 na punlang Cacao at labing-apat (14) na 50 kilong ube sa mga magsasakang may interes sa pagtatanim ng mga ito. Ang buong bilang ng punlang cacao ay hinati sa mga magsasakang may bakanteng taniman sa rasyo na 600 punla kada isang ektaryang taniman. Ang mga magsasakang nakatanggap ng mga punlang ito ay mula naman sa Barangay Taklang Anak, Cahil, Balimbing, Baclas, Caluangan, Dila, Bambang, Puting Kahoy, Niyugan, Lumbang na Bata, Puting Bato West, Pantay, Matipok, at Timbain.

Samantala ang mga nakatanggap naman ng mga ubeng pananim ay mula sa Barangay Cahil, Balimbing, Lumbang na Matanda, Baclas, Caluangan, Dila, Coral ni Bacal, Niyugan, Pantay, Matipok, at Timbain. /Engr. John Edward M. Pacis (MAO Staff)

 

 

 

Last Updated (Wednesday, 11 July 2018 09:50)