Get Adobe Flash player
Thursday, 20th of July 2017
Home INFORMATION News GAMIT MO, SAGOT ng LGU CALACA

GAMIT MO, SAGOT ng LGU CALACA

gamit-mo-sagot-ng-lgu-calacaUmarangkadang muli ang programang GAMIT MO, SAGOT KO ng Pamahalaang Lokal ng Calaca sa 38 pampublikong paaralang elementarya, junior high school at senior high school, pati ang mga batang mag-aaral sa 43 Day Care Centers sa nasasakupan ng Bayan ng Calaca. Pinangunahan nina Mayor Boogle Ona, VM Rante Macalindong, mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga empleyado ng munisipyo ang pamamahagi ng kumpletong libreng school supplies sa humigit kumulang 22,500 na mga mag-aaral para sa taong ito na nagkakahalaga ng Php 26,913,202.50. Nagsimula silang umikot sa mga paaralan noong Hunyo 20 at nagtapos noong Hulyo 3, 2017.

Ang  nasabing mga gamit ay kinabibilangan ng notebooks, lapis, eraser, sharpener, ballpens, colored pencils, long & short bond papers, graphing papers, pad papers, ruler, plastic protractor, highlighter, scotch tape, gunting, art papers, glue, crayons, at may kasama pang raincoat, na nakalagay sa isang plastic case na nagsisilbing bitbit ng mga bata sa pagpasok. Ang mga gamit-pampaaralan ay nagkakaiba depende sa grade level. Maging ang mga lehitimong taga-Calaca na nag-aaral sa mga pambublikong paaralan sa mga karatig-bayan gaya ng Lemery, Balayan at Nasugbu ay nabibiyayaan din ng mga libreng gamit pang-eskwela.

Ang programang ito na nasa ika-siyam na taon ng pamamayagpag ay sinimulan ng dating Punumbayan at ngayon ay Bise–Gobernador Nas C. Ona taong 2009 at ipinagpapatuloy ng kanyang kapatid na kasalukuyang punumbayan. Nagmula ang pondong ginugugol dito sa general fund ng Lokal na Pamahalaan ng Calaca na naglalayong maiangat ang kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral sa nasasakupan na malaking tulong din sa pagbabawas ng gastusin ng mga magulang. Positibo rin ito para sa mga guro sapagkat nasisiguro na ang bawat mag-aaral ay may sapat na kagamitan sa pag-aaral. Gayundin, naipapadama ng programang ito ang pagkakapantay-pantay ng bawat mag-aaral at walang batang nagiging kawawa sapagkat lahat sila ay may kumpleto at pare-parehong kagamitan sa pag-aaral sa loob ng silid-aralan.