Get Adobe Flash player
Tuesday, 25th of July 2017
Home INFORMATION ARCHIVES

CALACA: HOST NG 9th BSP National Rover Moot

calaca-rover-scout_03Tinatayang mahigit dalawang libong rover scouts ang dumagsa sa Bayan ng Calaca upang makibahagi sa ginanap na BSP 9th National Rover Moot kung saan nagsilbing host ang Batangas Council noong Oktubre 22-28, 2012 na may temang “Be Prepared: Leadership for Life”.

Nagsimulang magdatingan ang mga delegadong scouts kasama ang kanilang mga scout adult leader at council scout executive mula sa iba’t ibang kapuluan ng Luzon, Visayas at Mindanao noong ika-19 ng nasabing buwan. Bago pa man ang makasaysayang pagbubukas ng programa na ginanap noong Oktubre 22, sumabak na ang mga scout sa 55th Jamboree on the Air (JOTA) at 16th Jamboree on the Internet (JOTI) na ginanap sa bulwagan ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Calaca sa pamumuno ng Philippine Amateur Radio Association (PARA) at pakikipagtulungan ng DX1BSP. Sa nasabing activity, nabigyan ng pagkakataon ang mga scout na makipag-ugnayan sa kapwa scouts sa buong mundo gamit ang two-way radio at internet.

calaca-rover-scout_01Samantala, ang mahigit dalawang libong rovers at roverettes ay dumalo sa pagbubukas ng programa noong Oktubre 22 na ginanap sa Brgy. Lumbang Calzada. Naging panauhin sa pagtitipon si Dir. Lorna Dig-Dino na siyang Regional Chairman ng Boy Scout sa Timog Katagalugan. Dumalo rin sina J.Rizal C. Pangilinan, BSP Secretary General. Kinatawan ni Vice Gov. Mark Leviste si Gov. Vilma Santos-Recto samantalang inihatid naman ni Atty.Wendel E.Avisado, BSP Senior Vice-President ang mensahe ni Vice President Jejomar C. Binay na siyang pangulo ng Boy Scouts sa buong Pilipinas at Chairman ng Asia-Pacific Regional Scout Committee. Hindi nakarating ang Pangalawang Pangulo ng bansa sa pagtitipon sa dahilang siya ang naging sugo ng bansa sa Roma kaalinsabay ng opisyal na pagtatalaga kay Beato Pedro Calungsod bilang ganap na santo.

calaca-rover-scout_02Bilang camp chief ng 9th BSP National Rover Moot, isang mensahe ng walang pagsidlang kasiyahan ang ipinahiwatig ni Mayor Nas Ona sa matagumpay na pagbubukas ng programa. Aniya, walang malalaking establisyemento, magagandang pasyalan at atraksyon na maipagmamalaki ang Bayan ng Calaca ngunit ang mabuting kalooban at kahusayan sa pagtanggap ng mga bisita ay isang bagay na hindi makakalimutan ng mga panauhin.

Matapos ang opisyal na pagbubukas ng nasabing pagtitipon, isa-isang inihatid sa mga Community Immersion sites ang bawat council para sa kanilang mga takdang gawain sa mga paaralan. Buong pag-aasikaso silang tinanggap sa mga paaralan ng binuong Key 5 ni Mayor Nas Ona na kinabibilangan ng principal ng paaralan, kapitan ng barangay, PTA president, department head mula sa LGU at member ng BSP training team katuwang ang mga opisyales ng barangay, volunteer workers, PTA at mga empleyado ng munisipyong nakatalaga sa bawat paaralan. Sa loob ng ilang araw, sila’y nanatili dito para iba’t ibang gawain gaya ng carpentry, masonry, landscaping at painting works na nakatulong ng malaki sa mga paaralan.

Bagaman kinailangang manatili ang mga rovers ng dagdag na isang araw sa kani-kanilang community immersion sites at ipagpaliban ang ilang nakatakdang gawain sa campsite sanhi ng hindi inasahang pagdating ng bagyong Ofel, maluwalhating natapos ang okasyon sa isang madamdaming closing ceremony na isinagawa sa bulwagan ng pamahalaang bayan kung saan hindi magkamayaw ang taos pusong pasasalamat na ipinaabot ng Boy Scouts of the Philippines sa hindi nila malilimutang mainit na pagtanggap sa kanila ng mga mamamayang Calaqueño.

Lumisan ang mga panauhin matapos ang halos isang linggo pananatili sa Bayan ng Calaca baon ang masasayang ala-ala mula sa bahagi ng mga karanasan at kulturang namalas.

calaca-rover-scout_04 calaca-rover-scout_05
calaca-rover-scout_06 calaca-rover-scout_07

Last Updated (Wednesday, 21 November 2012 21:43)