Get Adobe Flash player
Tuesday, 21st of November 2017
Home INFORMATION ARCHIVES

2012 KAWAN HOLIDAY SA CALACA

kawan-holiday-2012_01Dinagsa ang bayan ng Calaca ng tinatayang may lima hanggang anim na libong bisita mula sa 37 distrito sa buong lalawigan ng Batangas noong ika-24 at 25 ng Agosto 2012.

Ito ay bilang pakikibahagi sa pagdiriwang ng Kawan Holiday kung saan ang Bayan ng Calaca muli ang nagsilbing host sa pamamagitan ng Calaca District. Itinampok ang temang “Mahalin ang Kalikasan, Ihanda ang Ating Kinabukasan” sa pagdiriwang na dinaluhan ng mga opisyal at pinuno ng Boy Scouts of the Philippines-Batangas Council sa pangunguna ni Mayor Nas Ona (Council Chairman), Mrs. Thelma Panganiban (Council Scout Executive) at DepEd District Supervisors sa buong lalawigan ng Batangas.

Sa unang araw ng pagtitipon ay isinagawa ang search for That’s My Boy na nilahukan ng 37 bibong kab scouts mula sa 37 distrito sa buong Batangas. Paligsahan sa husay sa pagpapakita ng talento, tamang bihis ng Barong Tagalog, kasuotang pang kab scout at sportswear ang mga naging unang pamantayan. Nakuha ng That’s My Boy candidate ng Bauan ang best in sportswear, Padre Garcia – Best in Barong Tagalog, Cuenca-Best in Talent at Best in Scout uniform naman ang natamo ng contestant mula sa distrito ng Lobo.

kawan-holiday-2012_02Sampu mula sa 37 kalahok ang nakapasok sa top 10 finalist at mapalad na isa sa mga ito ang That’s My Boy ng Calaca District. Silang lahat ay sumabak sa question and answer portion at sa huli ay tinanghal ang tatlong nanguna. Nakuha ng Nasugbu District ang second runner-up, Calaca District ang First Runner-up at nagwaging That’s My Boy 2012 ang Lemery District. Lahat ng winners ay tumanggap ng sash, trophy at cash prize na PhP2000, PhP3000 at PhP5000 ayon sa pagkakasunud-sunod.

Hindi mahulugang karayom ang Calaca Central School gym sa dami ng mga nag-abang upang mapanood ang highlight ng Kawan Holiday: ang Kab Palabas na kinatampukan ng masisiglang court dancing competitors ng nasabing mga distrito suot ang makukulay na mga kasuotan ganun din ang magagarbong props na nagpatingkad sa kumpetisyon.

Sa huli muling napahanga ng mga taga Calaca ang mga hurado at manonood kaya’t tinanghal na kampeon ang Calaca District, first runner-up ang Lemery District, second runner-up ang Balayan West District, third runner-up ang San Jose District at fourth runner-up ang Distrito ng San Nicolas. Ang mga nanalong distrito ay tumanggap ng tropeo at cash prizes.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang okasyon sa pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Calaca at DepEd Calaca District na pinamumunuan ni Dr. Hermogenes M. Panganiban (District Supervisor), G. Naldie Marasigan ( Kawan District Coordinator) at sa pamamatnubay ng Boy Scouts of the Philippines – Batangas Council na pinamumunuan ni Mayor Nas Ona bilang Council Chairman at Mrs. Thelma Panganiban (Council Scout Executive).

Samantala, nasungkit ng Calaca District Kab Palabas delegates ang kampeonato sa Regional Kawan Holiday na ginanap sa Lungsod ng Batangas noong ika- 8 ng Setyembre at nanatiling hawak ang titulo ng kampeonato sa ikatlong pagkakataon. Bukod pa rito hinirang din ang kanilang presentation na best in choreography, relevance to the theme, most unique at most colorful.

Last Updated (Monday, 17 September 2012 18:21)