Get Adobe Flash player
Tuesday, 16th of October 2018
Home INFORMATION ARCHIVES

Nutrition Month, Idinaos sa Calaca

nutrition-monthNagsilbing host municipality ang Bayan ng Calaca sa ginanap na nutrition month celebration para sa Unang Distrito ng lalawigan noong ika-18 ng Hulyo 2012. Ito ay sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan para sa paglulunsad ng ika-38 taong Buwan ng Nutrisyon. May temang “Pagkain ng Gulay Ugaliin, Araw-araw itong Ihain” ang selebrasyon na dinaluhan ng may 200 Barangay Nutrition Scholars sa pamumuno ng mga Municipal Nutrition Action Officers (MNAO) at MSWDO ng bayan ng Balayan, Calatagan, Lemery, Lian, Nasugbu, Taal,Tuy at Calaca.

Dinaluhan din ito ng mga kawani ng tanggapan ng Provincial Assistance for Community Development sa pangunguna ni G. Joselito De Castro. Dumating din sina Gng. Diwata Mendoza bilang representante ni Bokal Roman Rosales ng Unang Distrito ng Batangas at G. Bong Moraleja, Chief of Staff ni Vice Governor Mark Leviste na kapwa naghatid ng kanilang mensahe ng pagbati. Nagpaunlak din sa okasyon ang alkalde ng Bayan ng Calaca na si Mayor Nas Ona na personal na naghatid ng kanyang mensahe sa mga dumalo.

Itinampok ng araw na iyon bilang pagbibigay diin sa tema ng okasyon ang food fair, isang patimpalak sa pinakamagandang presentasyon ng masusustansyang gulay at prutas bawat bayan ang inihanda at hinusgahan ng araw na iyon at malalaman ang mananalo sa panlahatang pagdiriwang na isasagawa sa kapitolyo.

Bukod sa pagdiriwang ng unang distrito ng lalawigan, isinagawa din ang lokal na pagdiriwang ng okasyon noong ika-27 ng Hulyo sa bulwagang pambayan ng Calaca na dinaluhan ni Mayor Nas Ona na nagpaabot ng kanyang mensahe ng paghikayat sa mga magulang na ugaliing pakainin ng gulay ang mga bata upang maging malusog.

Gaya ng nakaugalian, binigyang buhay ng isang parada ang programa na dinaluhan ng 1,148 day care children sa buong Calaca. Isinagawa din ang pamamahagi ng multi-vitamins para sa mga bata.

Bilang pagsuporta ng mga kumpanya sa Bayan ng Calaca na mga miyembro din ng Municipal Nutrition Committee, isang feeding program ang kanilang inihanda para sa mga musmos na dumalo. Ilan sa mga dumalo ang Terminal Manager ng Southbay Bulk Terminal Inc. na si Engr. Ricardo Gragacin; Plant Manager ng Balayan Distillery Inc. na si Engr. Fernando Bonifacio kasama si Arch. Robert Tabilangon; G. Felix Ocampo, Terminal Manager ng Holcim Phils. Inc at Bb. Hazel Ann Peren ng Arvin Int’l.

Isang pasasalamat ang ipinaaabot ng tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development sa pangunguna ni Gng. Maharani Babasa (MSWDO) sa lahat ng sumuporta sa nasabing programa.

Last Updated (Friday, 24 August 2012 01:59)