Ika-30 ng Hunyo 2010, ginanap ang Inauguration
Ceremony kung saan nanumpa sa tungkulin ang mga nombrang opisyales ng lokal na
pamahalaan sa pangunguna ni Kgg. Sofronio C. Ona Jr., bilang alkalde kasama si Kgg.
Lordilando DM. Atienza sa pagka-Pangalawang Punumbayan at ang mga kagalang-galang
na miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Anselmo (Elmie) Macalindong, Deovic (Deo)
Ontangco, Luis (Chito) Macalalad, Niño Glenn Matulac, Robenson (Beson) Sale,
Brigido (Berling) Casanova at Robert Salazar. Sila ang bumubuo sa grupong
nagtala sa kasaysayan ng Bayan ng Calaca ng kauna-unahang pagkapanalo ng 10-0
ng isang partido. Buong puwersa naman ang suportang ipinadama ng sambayanang
Calaqueño na nagbigay sa kanila ng solid vote at nagluklok sa kanilang lahat sa
puwesto.
Ang mahalagang okasyon ay sinimulan sa pamamagitan ng
paghahain ng banal na misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Aurelio Oscar Dimaapi,
Kura Paroko ng Parokya ng San Raphael Arkanghel. Sinundan ito ng programa sa bulwagan
ng pamahalaang lokal. Ang Inter Faith Prayer Service na pinangunahan ng mga
pastor mula sa iba’t ibang sektang pang-relihiyon ang naging bungad ng programa,
kasunod ang pag-awit ng Lupang Hinirang sa pangunguna ni Roxanne Macatigbak na
isa sa ONA Scholars. Ang panunumpa ng mga halal ay sunod na isinagawa kung saan
naunang nanumpa si Mayor Sofronio C. Ona, Jr. kasama ang kanyang pamilya sa
harap ng pambayang hukom na si Judge Vicente V. Montes, kaharap ang banal na
kasulatan bilang simbolo ng maka-Diyos na paglilingkod. Ito ay dala-dala ni
Francheska Paula Casanova, bunsong anak ng dating alkalde, ang namayapang
Fiscal Nemesio V. Casanova (Local Chairman of LAKAS KAMPI-CMD). Nanumpa naman sa
harap ng Punumbayan at ng taumbayan sina Vice-Mayor Lordilando DM. Atienza at
ang mga nanalong konsehal kasama ang kani-kanilang mga pamilya. Ang pagpapakawala
naman ng mga lobo ay isinagawa sa labas ng gusali na siyang simbolo sa pag-abot
sa matayog na pangarap at masusing tagumpay sa patuloy pang pag-angat at
pag-unlad ng minamahal na Bayang Calaca.
Sa nasabing okasyon ay naging panauhin si dating Executive
Secretary Eduardo R. Ermita at si Mr. Meynard Melo na siyang kinatawan ng
Gobernador ng Lalawigan ng Batangas, Vilma Santos Recto. Bukod dito, dumating
din ang mga locators o representante ng mga private sector at establisyemento
sa bayan ng Calaca.Ang pamilyang DepEd,
Training Team ng Boyscout of the Philippines, Batangas Council, mga
opisyales ng barangay at LUNAS Volunteer Workers ay naging saksi din sa
makasaysayang kaganapan. Nagbigay kulay din sa mga kaganapan ang paghahandog ng
espesyal na bilang ng mga kawani ng lokal na pamahalaan at ng mga ONA Scholars.
Matapos ang programa, tinungo ng mga dumalo ang hapag upang
bigyang daan ang simpleng salu-salo. Ganap na ika-1:00 ng hapon isinagawa ang
Inaugural Session sa Municipal Session Hall kung saan ay ito ang pinaka-unang
session o pagpupulong ng mga nanumpang opisyales sa pagsisimula ng kanilang
tungkulin. Nagbahagi din ng mensahe ang Punumbayan tungkol sa mga programang
nais niyang ipatupad sa kanyang huling termino sa pakikipagtulungan ng buong
puwersa ng Sangguniang Bayan. Buong tagumpay na naisakatuparan ang mga
kaganapan sa pagpupunyagi ng mga kawani ng lokal na pamahalaan. Saksihan ang nasabing pangyayari sa mga larawan sa Inauguration 2010 album ng ating Gallery .
Sangguniang Bayan Members:
1. Anselmo "Elmie" L. Macalindong
2. Prima "Emma" C. Dajoyag
3. Deovic "Deo" M. Ontangco
4. Luis "Chito" M. Macalalad
5. Niño Glenn "Glenn" M. Matulac
6. Robenson "Beson" M. Sale
7. Brigido "Berling" A. Casanova
8. Roberto "Robert" R. Salazar
"Malugod at taos pusong pasasalamat sa inyong pagtitiwala."