Matagumpay na ipinagdiwang ang Miyerkules Santo
sa bayan ng Calaca sa pamamagitan ng taunang pagdaraos ng Carrera de Paso noong
Abril 8, 2009 sa kahabaan ngNational Highway
sa barangay Dacanlao. Dinaluhan ang okasyon ng mga tanyag na mangangarera mula
sa lalawigan ng Bulacan, Rizal, Pampanga, Laguna at Cavite. Nakibahagi rin ang mga mangangarera
mula sa Maynila at karatig bayan ng Calaca sa lalawigan ng Batangas sa nasabing
karera. Pinaunlakan din ang pagdiriwang ng mga naggagandahang dilag mula sa
bayan ng Calaca suot ang kanilang cow girl costumes at nakasakay sa kabayo
habang binabagtas ang kahabaan ng daan mula sa munisipyo patungo sa lugar ng
karerahan.
Ang makulay na takbuhan ng kabayo sa tiburin at demontar ay
sinaksihan din ng mga mga opisyales at empleyado ng munisipyo ganun din ni Fr.
Levi Panganiban mula sa tanggapan ng gobernador ng lalawigan.
Nagkaroon din ng masaganang piging para sa lahat ng nakilahok
sa pagdiriwang sa tahanan ni G. Vic Ilagan, ang matagal nang tagapagtaguyod ng
karerahan.
Kinapalooban ang programa ng taunang pagsasagawa ng karera
ng mga kabayo na may hilang magagarang tiburin bilang bahagi ng matandang
kaugalian sa bayan ng Calaca kung saan dinarayo ito at kilala sa iba’t ibang
lalawigan sa bansa.
Layunin
ng aktibidad na ito na hikayatin ang mga lihitimong mangangabayo sa bayan ng
Calaca na lumahok at makibahagi sa matandang kaugaliang ito. Bilang patunay,
pitong (7) inahining kabayo ang ipinamahagi ng lokal na pamahalaan sa ilang
mamamayan ng barangay Bisaya at Matipok noong nakaraang Enero upang paramihin
at ng sa gayon ay dagdag kabuhayan sa mga mamamayan at masanay bilang
paghahanda sa taunang Carrera de Paso.
Sa pagpapatuloy ng programang Oryentasyon para sa Natatanging
Abilidad ng mga Calaqueño- Reproductive Health Program, matagumpay itong
naidaos sa Brgy. Camastilisan at Brgy. Quizumbing noong ika-16 ng Nobyembre
hanggang ika- 4 ng Disyembre 2009. Nagkaroon ng pag-aaral na nababagay sa mga
nanay, tatay, senior citizens at out of school youth. Dito ay tinalakay ang
iba’t ibang paksa na may kinalaman sa pagpaplano ng pamilya, pangangalaga sa
mag-ina, pagbabakuna, pagpapasuso, pangangalaga sa ngipin, sanitasyon, Nutrisyon,
personalidad, ipinagbabawal na gamut at sigarilyo, Tuberkulosis, Diyabetes, sakit
sa bato, pagtatae, pulmonya, pagtaas ng presyon, Aborsiyon, Home Management, Challenges
of Parenting, Rights of Senior Citizen,
Livelihood Programs at Self Enhancement Training. Ayon sa tala ng mga kawani ng
Municipal Health Office, mayroong 89 na nanay, 46 na tatay, 78 na senior
citizen at 70 na out of school youth ang dumalo sa barangay Camastilisan.
Samantala, 145 na nanay, 51 na tatay, 55 senior citizen at 84 na out of school
youth ang dumalo mula sa barangay Quizumbing. Naging taga-pagtaguyod ng
nasabing programa ang Municipal Health Office sa pamumuno ni Dr. Marjolyne
Sharon V. Ona sa pakikipagtulungan ng kanyang mga masisipag na staff.