Sa
loob ng tatlong buwan sa taong 2009, matagumpay na naisakatuparan sa limang
barangay ng Calaca ang Nasa Nayon Ang Serbisyo Barangayan Program Season 2, ang
serbisyong minsan pa’y naipangako sa taong bayan ng kasalukuyang
administrasyon. Idinaos ang nasabing programa sa Barangay Cahil noong ika- 8 ng
Enero at sinundan naman ng barangay Calantas noong ika- 22 ng buwan ding iyon.
Samantala noong ika- 12 ng Pebrero matagumpay ding isinagawa ang programa sa barangay
Puting Bato East at sa barangay Talisay naman noong ika- 26 ng Pebrero.
Isinagawa din ito sa barangay Puting Kahoy noong ika- 12 ng Marso. At tiyak na
magpapatuloy ang nasabing programa sa mga natitirang barangay gaya ng naipangako ng administrasyon ni Mayor
Nas Ona at Vice-Mayor Larry Atienza.
Layunin ng nasabing programa na mailapit at maihatid sa mga
barangay ang serbisyo ng lokal na pamahalaan na kinapapalooban ng medikal at
dental mula sa tanggapan ng Pambayang Kalusugan, mga serbisyong
Pang-Agrikultura (pamamahagi ng mga binhing pananim, pagtuturok ng mga alagang
hayop, food demo at pagpapakain sa mga bata). Mula naman sa tanggapan ng Pambayang
Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad, dala ang serbisyong libreng gupit,
manicure, pedicure, masahe, pagtatala ng mga senior citizen at pag-oorganisa ng
Out of School Youth. Kabahagi rin ang tanggapan ng Pambayang Tagatalang Sibil
upang magsagawa ng libreng pagkakasal, pagpaparehistro ng mga bata at
pagsasaayos ng mga sertipiko na may kaugnayan sa tanggapan.
Upang kumuha naman
ang mga taong barangay ng kanilang Community Tax certificate ay kabahagi din
ang tanggapan ng Pambayang Ingat-yaman sa kaukulang bayad. Naghahatid naman ng
munting kasiyahan ang tanggapan ng Pambayang Pangkabatiran (Municipal Information
Office) sa pamamagitan ng NAS NAS Videoke Singing Challenge na sinasalihan ng
dalawang kategorya, sampung (10) matatanda para sa mga senior citizen at
sampung (10) bata naman na may edad anim hanggang labindalawa para sa mga
bulilit kids. Ang grupo naman ng PNP ay nagtuturo sa mga LUNAS Kapayapaan
Volunteers ng tamang pagtupad ng tungkulin sa nasasakupang barangay habang ang
Fire Department naman ay nagbibigay kaalaman upang maiwasan ang sakuna dulot ng
sunog.
Nagpamalas
naman ng mainit na pagtanggap sa buong pamilya ng lokal na pamahalaan na
pinamumunuan nina Mayor Nas Ona, Vice-Mayor Larry Atienza at mga miyembro ng
Sangguniang Bayan ang mga taong barangay sa pangunguna ng mga opisyales at mga
Volunteer Workers.
Dalawampu’t apat na pares ng magsing-irog ang
matagumpay na pinag-isang dibdib sa ginanap na Kasalang Bayan 2010 sa
Pamahalaang Bayan ng Calaca noong ika-14 ng Pebrero kasabay ng pagdiriwang ng
Araw ng mga Puso. Sa pagsisimula ng sagradong pagdiriwang maringal na nagmartsa
ang mga ikakasal mula sa ikalawang palapag ng gusali pababa ng hagdanan kung
saan ginanap ang seremonya. Ang seremonya ng kasal ay ginampanan ni Mayor
Sofronio “Nas” C. Ona, Jr., na tumayo ding ninong ng mga ikinasal.