|
Ni: Lorena C. Casanova Mahabang panahon na ang nakalipas ngunit nananatiling buhay at nakakintal sa isipan ng mga Calaqueño na minsan pa’y may isang magiting na Heneral ang nagbuwis ng buhay para sa minamahal na bayang Calaca. Tanging nakatayong bantayog na lamang ang naglarawan sa katauhan ni Heneral Eleuterio G. Marasigan na kung tawagin ay “KA TERIO”. Subalit higit sa taas ng taluktok ng bantayog ang kabayanihang ipinamalas ng Heneral.
Lingid sa mga Calaqueño na taun-taon tuwing ika-23 ng buwan ng Mayo ay ipinagdriwang ang kaarawan ni Heneral Terio at sa taong ito ay ipinagdiwang ang kanyang ika-142 taong kaarawan kung saan ay ginanap ang banal na misa sa St. Rafael Archangel Parish na pinangunahan ni Rev. Fr. Richard S. Rodelas na dinaluhan ng mga kapamilya at kamag-anak ni Heneral Marasigan gayundin ng mga kawani ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng mga halal na opisyales ng bayan, mga pribadong sektor na kinabibilangan ng Balayan Distillery Inc., Bacnotan Union Industrial Park, Steel Asia, Batangas Coal Fired Thermal Power Plant (NPC-BCFTPP), Batangas I Electric Cooperative, Inc., Southbay Bulk Terminal Inc., at iba’t-ibang organisasyon tulad ng Kabataang Lingkod ng Simbahan (KALIS), 4212 Calaca Riders, BARRACUDA, mga LUNAS Volunteer Worker at mga opisyales ng barangay sa pamumuno ng mga kapitan. 
Ang mga kamag-anakan ni Heneral Eleuterio G. Marasigan kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at PNP Calaca matapos mag-alay ng bulaklak kay Heneral Eleuterio G. Marasigan sa pagdiriwang ng kanyang ika-142 kaarawan.
|
Matapos ang pagdiriwang ng banal na misa ay isinagawa ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Heneral Terio na ginampanan ng mga opisyales ng lokal na pamahalaan, mga kapulisan, kapamilya at kamag-anak gayundin ay inalayan ng bulaklak ang bantayog ng Pambansang Bayani na si Gat. Jose Rizal. Sinundan naman ito ng iba’t-ibang paligsahan katulad ng pagtakbo o 3.5 km. Fun Run na pinangunahan ni Nickson Cuyom bilang torch bearer na tinaguriang “King of long distance runners” matapos siyang lumikha ng panibagong rekord sa larangan ng takbuhan sa ginanap na Southern Tagalog CALABARZON Athletic Asociation (STCAA) meet 2008. Nilahukan ang Fun Run ng labing-anim (16) na mananakbo mula sa iba’t-ibang barangay na nasasakupan ng Calaca. Nakamit ni Harold Asuncion mula sa Poblacion 5 ang unang pwesto bilang pinakamabilis na mananakbo at tumanggap ng kaukulang premyo na nagkakahalaga ng tatlong libong piso (Php 3,000.00) habang si Rafael Vergara ng Barangay Salong ay nasungkit naman ang pangalawang pwesto at may kaukulan ding premyo na nagkakahalaga ng dalawang libong piso (Php 2,000.00) at ang nakakuha ng pangatlong pwesto ay si Dennis Violante ng barangay Salong na tumanggap ng isang libong piso (Php 1,000.00). Sa kabila ng mga kasiyahan at paligsahan ay abalang-abala naman ang mga kawani ng munisipyo at mga pribadong sektor sa pagtatampok ng nakaugaliang taunang CALINGAPLAYA na kinapapalooban ng paglilinis ng baybay dagat. 
Nagpakitang gilas ang mga bangkang ito sa isinagawang Bancathon Exhibition sa barangay Salong. |
Bahagi pa rin ng nasabing pagdiriwang, nagpakitang gilas naman ang mga kababayang mamamalakaya sa barangay Salong sa pamamagitan ng Bancaton Exhibition kung saan apat na mangangarerang bangka tatlo rito ang nag-ngangalang “STORM” na pagmamay-ari ni G. Peter Ornales ang sumalang sa exhibition. Anim na paris naman ng bangka ang nagpaligsahan sa Rowing Competition at bawat paris ng bangka ay nagkamit ng Php150.00 ang nanalo at Php100.00 naman ang natalo. Matapos ang eliminasyon ay pumili naman ng apat (4) na pinakamabibilis ay nakuha ng bangkang PBB ang unang puwesto na ang magkapatid na Virgilio at Peping De Castro ang hinete at nagkamit ng isang (1) kabang bigas. Ang bangkang UFC ang nagwagi sa pangalawang puwesto at tumanggap ng kalahating kabang bigas. Para naman sa ikatlong puwesto ay nakamit ng bangkang ROMY at nag-uwi rin ng premyong bigas. Ipinagpatuloy ang okasyon hanggang sumapit ang gabi sa saliw ng mga tugtugin ng banda para sa Free Jam Concert sa tabing dagat na may temang “MAKI-JAM SA KALIKASAN”. Itinampok dito ang bandang BLADES at ilang banda rin ang naki-jam-in sa kanila. |