|
Bilang pagtugon sa lumalaking bilang ng mga kabataang di pumapasok sa paaralan, isang “Balik Eskwela Program” ang inilunsad ng pamunuan ni Governador Vilma Santos-Recto sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng Provincial Social Welfare and Development Office. Ang layunin ng programang ito ay matulungan ang mga estudyanteng gustong makapasok ngunit may malaking pinansyal na pangangailangan. Ang mga nasa antas ng elementarya ay mabibiyayaan ng school supplies o gamit sa paaralan samantalang ang nasa antas ng sekondarya ay mabibiyayaan ng isang mountain bike na makatutulong sa pang araw-araw nilang pagpasok sa paaralan. Sa isinagawang poverty diagnosis ng PSWD napili ang bayan ng Calaca sa mabibiyayaan ng nasabing programa.
Base na rin sa isinagawang Poverty Diagnosis ng MSWD napili ang barangay Loma, Calantas, Puting Kahoy, Lumbang na Bata, Lumbang na Matanda, Dacanlao, Baclas, Dila, Taklang Anak, Makina, Tamayo, Pantay, Coral ni Bacal, Bisaya, Niyugan, Salong, Poblacion 2 at Poblacion 4 na mabigyan ng pagkakataong mabiyayaan ng nasabing programa. Isinagawa ang pakikipanayam ng mga Social Workers mula sa Provincial Social Welfare Development Office (PSWD) kasama na rin ang social workers ng MSWD at dalawang (2) staff nito sa mga bata at magulang noong Mayo 20 at natapos noong Mayo 23, 2008. Sa kabuuan isandaang (100) bata na nasa antas ng sekondarya ang mabibiyayaan ng bisekleta samantalang apat na daang (400) estudyante mula sa elementarya ang nabiyayaan ng school supplies o gamit sa paaralan. |